Sabado, Disyembre 10, 2011

ALA-ALA NG KABATAAN UKOL SA LIHIM NA KARUNUNGAN AT KAPANGYARIHAN

             Kapag ako'y nag-iisa at nag-iisip maraming bagay, ala-ala at mga karanasan ang pumupuno sa aking isipan, ngunit may isang ala-ala o karanasan na pag naaala-ala ko ako'y napapaisip at nangingiti.
            Humigit kumulang na sa labing tatlong taon gulang ako noon, madalas ako sa ngupo ng matatandang manggagamot o mga albularyo o mga faith healer.
            Sa aking pagmamasid ang mga matatandang ito ay meron mga hanapbuhay, mayroon karpintero, kantero, pintor meron naman may sariling maliit na tindahan at meron din full time na manggagamot o faith healer. Sa akin pagtatanong marami sa kanila ay minana pa ang kanilang taglay na karunungan o kaalaman sa kanilang mga magulang ang iba nama'y mahilig talagang magsaliksik sa mga bagay na kalihiman o mga hiwaga.
            Mas madalas sa gabi sila nagkaka umpok-umpokan at kung araw na walang pasok sa trabaho mas mahaba at matagal ang kanilang pagsasama-sama, doo'y tinatalakay nila ang mga kwentong espiritual o mga kwentong nauukol sa mga bagay na lihim o hiwaga at kababalaghan, doon din sila nagbibigay ng kani-kanilang kaalaman sa mga bagay na kanilang pinag-uusapan, kung ang kanilang kasama ay nangangailangan ng tulong sa gawain espiritual o panggagamot o pagpapaalis ng mga sapi ng mga masamang espirito at kulam, bukas ang kanilang loob na tumulong, nagbibigay sila ng payo o kung kulang ang gamit ng kanilang kasama ito'y kanilang pinupunan sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagan panalangin at mga orasyon at kung kailangan pa ng karagdagan gamit tulad ng medalyon o mabisang bato, mutya o di-pangkaraniwang kahoy ipinagkakalooban nila ito, ganito ang nakita kong pagtutulungan nila sa isa't-isa, sabagay hindi naman imposible dahil sa tagal ng kanilang pagsasama-sama sila rin ay naging magkukumpare, kasama po ang aking tatay sa grupong ito.
            Sa madalas kong pagsama at pakikinig sa grupong ito marami akong nakitang kakaiba o kagulat gulat, ang iba sa kanila ay may taglay na taga-bulag, yun hindi siya nakikita ng kanyang pinatutungkulan, ito'y personal kong nasaksihan nang gumagamit ang isa sa kumpare ng tatay ko. Meron naman sa kabal, yun hindi tinatablan ng patalim o itak, nakita ko ng hasain at itaga sa braso ang itak sa laking gulat ko walang sugat o hiwa akong nakita. Meron naman gumagamit ng panhalina, aking nasaksihan ang isang napakagandang babae na naglalakad kinawayan lamang ito gamit ang orasyon panghalina ito'y lumapit na at nakipagkwentuhan na akala mo'y matagal ng magkakilala, kung hindi pa pinaalis ng taong gumamit ng panhalina ay hindi aalis, tinanong ko sa matanda kung kilala niya ang babaeng iyon, ang sabi niya ngayon ko lang nakita ang babaeng iyon. Marami pa akong nakita at nasaksihan kakaiba, marahil ay sadyang ipinakikita nila ito sa akin upang maging interesado ako na mag-aral ng mga bagay na ito.
                Lagi akong sumasama lalo na sa panggagamot ng mga sakit na gawa ng masasamang espirito at mga sakit na natural basta't may lakad ako'y sumasaa hindi naman ako maitaboy dahil ako ang taga bili ng merienda at sigarilyo gayundin naman taga timpla ng paborito nilang inumin ang kape.
                 Sa aking pagmamasid sa kanila, marami silang mga bisitang pumupunta mas madalas sa gabi sa paborito nilang umpukan sa bahay ng isa sa kanila. Hindi ko kilala ang mga ito meron mayaman na dala pa ang kanyang kotse, meron naman mukhang kagalang-galang at meron naman simple lang. Sinabi ng aking tatay ang mga iyon ay mga humihingi ng tulong, sabi niya'y meron doon pulitiko, negosyante, matandang artista at mga mahilig sa gamit, me mga naghihingi ng gamit para sa kabal dahil marami daw nagtatangka sa kanyang buhay, me nanghihingi ng gamit para umasenso o umunlad lalo ang kanilang negosyo- ang hinihinging gamit ay mutya ng sampaguita, ang sabi ng tatay kaya raw mutya ng sampaguita sapagkat ang sampaguita ay may taglay na bangong panhalina na maakit kang lapitan at amuyin, kaya kung ikaw ay negosyante ang produkto mo o paninda ay magiging lapitin at mahahalina silang bilhin iyon. Gayuindin naman ito ay natural na panhalina sa babae o lalaki man. Meron naman nanghihingi ng pandepensa at pang atake dahil marami daw siyang kaaway, at meron din  naman nanghihingi ng gamit na panhalina o pang gayuma.
                    Sa aking mga narinig nasaksihan at naranasan nagkaroon ako ng hangarin mag-aral ng mga karunungang ito.
                     Sa aking pagtatanong sa kanila sinabi nila na kung mag-aaral ka ng mga karunungan lihim kumuha ka o pumili ng magtuturo sa iyo yun malawak na ang kaalaman sa mga bagay na ito at mahaba na ang karanasan sa panggagamot o pagpapalayas ng masamang espiritu, gayundin naman sinabi rin ng isa sa kanila "parang boksing iyang" kailangan magpaturo ka doon sa kampeon o mananalo, huwag kang magpaturo doon sa boksingerong hindi naman napapalaban o kung mapalaban naman ay talo. Sabat naman ng isa "gayundin naman huwag kang kukuha ng guro na suwapang sa pera", lahat ng gagawin may katapat na pera ang sabi niya'y hindi masama ang tumanggap ng pera kung bukal naman sa kalooban ng nagbibigay at kung hindi ka naman naabutan magpasalamat karin sa Panginoon Diyos, huwag na huwag kang magpepresyo sa iyong pang gagamot. At mag-ingat karin sa mga guro na mahilig manantsing o manghipo ng mga babaing pasyente o nagpapagamot, at lalo higit sa lahat sa gurong mayayabang at mapagmataas na inaakala nila at iniisip na sila ang may hawak ng pinaka magaling na gamit, at laging naghahamon sa kapwa niya me gamit upang ipakita niya ang kanyang kayabangan gamit.
                      Sinabi  nila na ang una mong pag aralan ay ang mga panalangin sapagkat ito ang daan upang ikaw ay makipag-ugnay sa Panginoon Diyos. Apat na panalangin o poder ang dapat mong pag-aralan o gawin. Ang panalangin sa Amang kataastaasan Diyos na makapangyarihan sa lahat. Ang panalangin sa Diyos Ina Reyna ng langit at lupa . Ang panalangin sa Diyos Anak panginoon Jesu-Cristo at ang panalangin  sa Diyos Espirito Santo. Ang apat na panalangin ito ay napakalawak ang nasasakupan, sakop nito ang mga espiritung kanilang nilikha gayundin ang mga kapangyarihan at karunungan taglay ng mga ito, sakop din nito ang ibat-ibang karunungan tangan ng mga banal na espirito.
                      Kapag naaalala ko ang mga ginintuan panahon iyon siguro'y mga tatlumput walong taon na ang nakakalipas, naalala ko rin ang mga matatandang manggagamot na yaon.
                        Sa ngayon silang lahat ay namayapa na, gayundin ang aking tatay. Sumalangit nawa ang kanilang mga kaluluwa at naway tamasahin nila ang biyaya at pagpapala ng Diyos na lumikha.
                         Hanggang dito na lamang lubos na nagpapasalamat sa pangalan ng panginoong Diyos na makapangyarihan sa lahat.

HalleluyaH                                 HalleluyaH                                                   HalleluyaH

AMEN.

                                   
                                                                                    "sa susunod tatalakayin ko ang apat na panalangin"